MANILA, Philippines — Panibagong bloke na naman ng cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng P5.2 milyon ang nasabat ng mga otoridad sa baybayin ng Paracle sa Camarines Norte.
Base sa ulat ng pulisya, ang bloke ng nasabing malapulbos na sangkap ay narekober mula sa baybayin ng Barangay Bagumbayan sa Paracle dakong alas-7 ng gabi noong Sabado.
Alas-?10:40 na kahapon ng umaga ng makatanggap ng sumbong ang PNP PRO-Region 5 na may nadiskubreng bloke ng cocaine ang isang Norlyn Ludiana, 46 anyos, sa nasabing lugar.
Nakabalot umano ang nasabing bloke sa isang brown na duct tape na may nakasulat na “Lexus” at ng kanya itong buksan ay nakita ang malapulbos na sangkap.
Samantala, kinumpirma naman ng Regional crime laboratory na ang nasabing sangkap ay cocaine na may timbang na 989.23 grams at may estimated value na P5.2 milyon.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay naka-recover din ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kabuuang 77 bloke ng cocaine sa baybayin ng Siargao islands at Dinagat islands sa Caraga region.
Nauna na rin nakarekober ang mga otoridad ng tinatayang P5.4 milyong halaga ng cocaine sa baybayin naman ng Vinzon na katabing bayan ng Paracale sa Camarines Norte.
Naniniwala naman si PDEA Director General Aaron Aquino na nilalaglag ng sindikato ng droga ang mga cocaine sa dagat para malihis ang atensyon ng mga otoridad at makapagpasok ng mas malaking kontrabando sa bansa.