MANILA, Philippines — Umakyat na sa 115 ang bilang ng mga namamatay dahil sa outbreak ng tigdas mula lamang noong Enero 1 hanggang Pebrero 13 ng taong kasalukuyan, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH).
Sa nasabing period, naitala sa 6,921 ang dinapuan ng tigdas pinakamarami sa Metro Manila na umabot sa 1,752 kaso.
Sinundan ito ng Region 4-A (Calabarzon) na may 1,653 kaso at pumapangatlo ang Region 3 (Central Luzon) na may 982 kaso.
Sa Metro Manila, pinakamaraming kaso ang naitala sa Quezon City na umabot sa 478, sumunod ang Maynila na may 338 kaso at ang Caloocan, na may 190 cases.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapalakas pa ng kampanya upang makontrol ang paglobo pa ng mga kaso.
Sa paglilibot ni Duque, personal niyang inaalam ang sitwasyon ng mga health centers at pagamutan sa ilalim ng kanilang Ligtas Tigdas Program.
Kabilang din sa naging hakbang ang pagiging available o bukas na ang mga health centers maging Sabado upang mapabilis ang target na makapagbakuna.
Patuloy ang pakiusap ni Duque sa mga ina na ‘wag balewalain ang pagpapabakuna ng kanilang mga anak na kung tutuusin ay garantisado na sa nakalipas na maraming taon.
Nagpaalala ang kalihim sa mga nanay na huwag nang paabutin na makarating sa komplikasyon ang sakit ng mga bata dahil ang measles complication ay ikinamamatay tulad ng pneumonia.
Nagsasagawa na rin naman aniya ang DOH ng mapping activities, at nagbabahay-bahay upang matukoy kung aling komunidad ang may pinakamaraming kaso ng dengue, at para hikayatin ang mga magulang na pabakuhanan ang kanilang mga anak.
Target aniya nilang mabakunahan ang may 2.4 milyong paslit, na nasa anim na buwan hanggang 59 buwang gulang lamang, gayundin ang pitong milyong grade schoolers, na mula kindergarten at hanggang Grade 6, na hindi pa nabakunahan, o kaya’y nakatanggap ng unang dose ng measles vaccine ngunit hindi naman nabigyan ng second dose.
Umaasa naman si Duque na pagsapit ng huling linggo ng Abril o unang linggo ng Mayo ay makokontrol na nila at unti-unti nang bababa ang bilang ng mga tinatamaan ng tigdas.