Magkaibang PDP-Laban, HNP senatorial slate ipinaliwanag ni Duterte
MANILA, Philippines — Inilinaw ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang iringan sa pagitan nila ni presidential daughter at Davao City mayor Sara Duterte pagdating sa magkaibang senatorial candidates na dadalhin para sa 2019 midterm elections.
Bagama't may mga magkakaparehong kandidato sa pagkasenador, meron din kasing magkaibang susuportahan ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas Ng Bayan ni Digong at Hugpong ng Pagbabagpo ni Sara.
Gayunpaman, sadyang may hindi lang daw sila mapagkasunduan sa ilang mga personalidad.
"Ako naman, meron din akong sariling nagustuhan along this year. Ang problema namin ni Inday is she’s a politician and I am also. So we cannot agree on all — especially on all of the personalities there sa Hugpong,” sabi ng presidente sa proclamation rally ng .PDP-Laban
“I have no quarrel with Inday [Sara] actually. But I respect her decision, who among the aspirants she will choose to form her ticket"
Itinaas ng Pangulo ang kamay ng 11 na kandidato, na dati'y mas marami.
Sila ay ang sumusunod:
- Dong Mangudadatu
- Bato dela Rosa
- Bong Go
- Aquilino "Koko" Pimentel
- Francis Tolentino
- Sonny Angara
- JV Ejercito
- Cynthia Villar
- Pia Cayetano
- Freddie Aquilar
- Imee Marcos
Sina Angara, Ejercito, Villar, Cayetano, Aguilar at Marcos ay hindi mga miyembro ng PDP-Laban.
Siniguro naman ni Digong na pinal na ang listahan na ito.
"Yes. Because I have to be true to my self. Kung ano yung sinabi ko rito, yun na yung susuportahan ko."
Bong Revilla, Jinggoy Estrada 'di i-eendorso
Kapansin-pansin namang wala ang pangalan nina dating senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada sa PDP-Laban slate, na kapwa iniuugnay sa pork barrel scam at mga kandidato sa Hugpong ng Pagbabago.
Itinanggi naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na may kinalaman ito sa mga alegasyon ng korapsyon.
"He said that 'too late' na silang lumapit sa kanila. Moreover, baka feeling niya rin, 'Eh 'di niyo na kailangan ng endorsement. Baka manalo kayo dahil mga dati na kayong senador, may pangalan kayo, kilala kayo ng tao. Baka hindi na kailangan."
Matatandaang ipinagtanggol ni Panelo noong Lunes ang noo'y pag-endorso ni Duterte kay Estrada.
Napawalang-sala man sa mga paratang, ipinasasauli pa rin kay Revilla ang halagang P124.5 million na galing sa kaban ng bayan.
Nakapaglagak naman ng piyansa si Estrada ngunit humaharap pa rin sa mga kasong plunder at graft.
Pag-endorso kay Freddie Aguilar ipinaglaban
Samantala, kasama pa rin sa susuportahang senatorial bid ng pangulo ang folk-singer na si Freddie Aguilar.
"Ang hindi alam ng Pilipino, Freddie Aguilar is a brillant man... Talagang gusto ko siya... You know, he is a very true Filipino," banggit ni Duterte.
"His songs, all his songs. Mahahanap mo yung... There is always a message on social issues for the Filipino. Walang kanta na pinagsayangan..."
Sa lahat ng talumpati ng pangulo, mapapansin na lumalabas siya sa saliw ng awiting "Ipaglalaban Ko" ni Aguilar.
Matatandaang humarap noon sa kontrobersiya si Aguilar dahil sa pagpapakasal sa menor de edad noong 2013.
- Latest