MANILA, Philippines — Lagda na lamang ni Pangulong Duterte ang kulang para maging ganap na batas ang Safe Spaces Act na ituturing ding “Anti-bastos Law” kung saan magkakaroon na ng parusa ang catcalling o pagsipol sa mga babae.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, mas magkakaroon ng proteksyon ang mga kababaihan at mga miyembro ng LGBT community at maging “gender-men” kapag nalagdaan na ang panukala.
Sinabi ni Hontiveros na magkakaroon na ng “balance of power” sa pagitan ng mga babae at lalaki at sa pagitan ng superior at subordinate kung saan hindi maaaring magbastusan dahil lamang sa mas mataas o mas mababa ang posisyon ng isa.
Kabilang sa bawal sa panukala ang “catcalling, wolf-whistling” at maging ang pamimilit na paghingi ng number o paulit-ulit na pangungulit.
Ipinaliwanag pa ni Hontiveros na pinaka-magaan sa puwedeng parusahan ay ang catcalling o paninipol samantalang pinakamabigat ang stalking.