Laban ng Otso pa-Senado, kasado na

Ang mga kandidato ng Otso Diretso na pormal na ipinakilala sa kanilang kick-off rally sa Naga City kahapon.  Mula kaliwa: Magdalo Rep. Gary Alejano, Marawi civic leader Samira Gutoc, dating Quezon Rep. Erin Tañada, Sen. Bam Aquino, dating solicitor general Florin Hilbay, election lawyer Romulo Macalintal, at Atty. Chel Diokno.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Sa gitna ng matinding laban na kanilang hinaharap upang maipakilala ang mga sarili at ang kanilang paninindigan, buo ang loob ng mga kandidato ng Otso Diresto sa pagpasok sa opisyal na panahon ng pangangampanya.

Opisyal na inilunsad ang kampanya ng 8 kandidato kahapon sa Naga City, balwarte ni Vice Pres. Leni Robredo at ng yumao nitong asawa na si Jesse, na hinangaan dahil sa istilo ng pagli­lingkod.

Aminado mang hindi pa nakikilala ng marami ang mga kandidato ng Otso Diretso, umaasa si Robredo na maipapasa rin sa kanila ang naging kapalaran niya bilang underdog ng 2016 elections.

Aniya, mahalaga ang laban sa Senado dahil ito ang kasangga ng taumbayan sa pagsupil sa mga pagtatangka ng mga ganid na abusuhin ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng mga Pilipino sa kanila.

“Kailangan natin ng mga taong walang takot at handang manindigan para sa tama. Ang ating walong kandidato, tala­gang pinagpilian at siguradong pinakamahuhusay,” dagdag pa niya. “Kung naging posible ang ‘1% to Vice President’ noong 2016, walang dahilan para hindi natin sila maipanalo sa Senado.”

Buo ang puwersa ng Otso Diretso sa ginanap na proclamation rally, na dinaluhan nina Sen. Bam Aquino at Magdalo Rep. Gary Alejano; mga nagbabalik-lingkod bayan na sina dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada; at ang mga baguhang sasabak sa pulitika na sina dating solicitor general Florin Hilbay, iginagalang na human rights lawyer na si Chel Diokno, election lawyer na si Romy Macalintal, at si Samira Gutoc, isang bakwit mula Marawi.

Show comments