MANILA, Philippines — Binatikos ng isang grupo si Sen. Juan Edgardo "Sonny" Angara matapos sabihing walang kinalaman ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion sa pagtaas ng presyo ng langis, na dahilan din daw ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng Partido Lakas ng Masa, isang party-list, na "dagdag insulto" ang patanggi ng senador ng kanyang papel sa lalong pagpapahirap sa mga nagdarahop na pamilyang Pilipino.
Si Angara ang principal sponsor ng naturang batas at muling tatakbo sa pagkasenador ngayong 2019.
“Itong lantarang paghuhugas ng kamay ay isang kaduwagan sa bahagi ni Mr. Angara. Hindi niya maitatanggi ang kanyang pagkakasala dahil siya ang utak sa likuran ng salot na TRAIN Law,” ani Sonny Melencio, chairperson ng PLM.
Dagdag pa ni Melencio, umamin na lang daw si Angara ng kanyang pagkakamali kaysa magmalaki sa radyo.
Tinutukoy ng PLM ang panayam kay Angara sa DZBB noong nakaraang linggo.
"Yung iba sinisisi sa TRAIN law yung pagtaas ng presyo ng langis, pero kung tutuusin ang pinataw na buwis ay P2 [per liter] pero ang itinaas na presyo ng langis ay nasa P12 hanggang P15," wika ni Angara sa Dobol B sa News TV.
Mula Enero 2018, naningil ang gobyerno ng karagdagang P2.50 kada litro ng diesel at 2.65 para sa gasolina. Sa pagpasok ng taon, muling nagdagdag ng P2 ang gobyerno para sa diesel at gasolina.
Hindi naman kinagat ni Melencio ang pagdadahilan ni Angara na galaw ng pandaigdigang merkado ang nagsanhi ng pagsirit ng presyo ng krudo.
Aniya, ekonomista si Angara at alam naman daw niyang mahirap hulaan ang magiging takbo ng presyo ng langis at naka-asa ang Pilipinas sa mga nag-aangkat.
“Lalong naghirap ang mahihirap kapalit ng kanyang katapatan sa Palasyo at mga bangkerong Intsik.”
Anumang buladas at estatistika daw ang ilabas ng senador, malinaw raw na mas kakaonti ang nabibili ng sahod simula nang maisabatas ang kontrobersyal na TRAIN.
TRAIN at inflation
Bagama't humupa ng bahagya ang inflation rate ngayong Enero 2019 sa 4.4 porsyento, umabot ito sa 6.7 porsyento noong Setyembre at Oktubre 2018, pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Tumaas ang take home pay ng ilang manggagawa't empleyado simula nang ipatupad ang TRAIN bunsod ng personal income tax exemptions na ipinataw sa mga nakatatanggap ng P21,000 pababa buwan-buwan.
Gayunpaman, hindi tumaas ang sweldong naiuuwi ng mga minimum wage earners kahit na nagsitaasan ang presyo ng bilihin sapagkat matagal na silang exempted sa PIT.
“Anumang ganansya sa tax exemptions ay nabalewala sa taas ng presyo ng mga bilihin. Nagpanggap lamang si Angara sa sinusulong ang kapakanan ng masa pero kabaliktaran ang nangyari,” panapos ni Melencio.
Dahil sa napipintong pagtaas ng presyo ng kuryente ngayong buwan, nananawagan ang PLM na kagyat na suspendihin ang paniningil ng excise tax at value added tax sa langis para epektibong maibaba ang presyo ng krudo.
Noong isang linggo, matatandaang kinastigo ng IBON Foundation ang pagmamalaki ng gobyerno tungkol sa pagbaba ng headline inflation.
Aniya, mas mataas pa rin ang inflation noong Enero 2019 kumpara sa 3.4 porsyento noong Enero 2018.
Bagama't nagkaroon ng ilang pagtaas sa sahod, iginiit ng IBON na hindi sapat ang mga naging umento noong 2018 para umagapay sa inflation dahilan para maging "stagnant" ang sahod.
"For instance, the Php25 wage hike in the National Capital Region was just a 4.9% increase in the minimum wage, to Php537, versus 5.5% inflation in NCR for 2018," sabi ng research group.
Giit ng IBON, anim sa sampung Filipino households ang kumikita nang mas mababa sa family living wage na P996 kada araw, ang halagang kinakailangan para mabuhay nang disente ang pamilyang may limang miyembro.
"The government has to accept the necessity of market-bending interventions to support domestic agriculture and industry if it wants to lower the price of locally-produced food and other products."