MANILA, Philippines — Pormal nang magsisimula ngayong Martes, Pebrero 12, ang kampanyahan para sa senatorial elections na nakatakdang idaos sa Mayo 19, 2019.
Nauna ng inihayag ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), regional party ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na gagawin nila ang kanilang kick-off rally ngayong araw na ito sa San Fernando City at Angeles City sa Pampanga.
Ang nasabing lalawigan ang balwarte ni Governor Lilia Pineda, chairman ng regional party Kambilan na nakipag-alyansa sa HNP.
Sisimulan naman ng Otso Diretso ng opisisyon ang kanilang kampanya sa Caloocan City. Susundan ito ng pangangampanya sa Naga City sa Camarines Sur.
Ang koalisyon ay kinabibilangan ng Liberal Party, Magdalo, Aksyon Demokratiko, at Akbayan.
Samantala, nagbabala kahapon ang Commission on Elections na isasadokumento nito mula ngayon ang mga iligal na campaign material.
Ayon kay Comelec Director for Education and Information Department James Jimenez, ang kanyang opisina ay tatanggap ng mga report mula sa publiko hinggil sa mga nagkalat na iligal na mga materyales sa kampanya sa eleksyon.
Dapat anyang nakadokumento nang tama ang mga makikitang paglabag gamit ang mga litrato, video at iba pa.
Nauna nang pinaaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato at partido na tanggalin ang kanilang mga campaign material bago magsimula ang panahon ng kampanya.
Ang 90 araw na campaign period para sa mga kandidatong senador at partylist ay nagsimula kahapon at matatapos sa Mayo 11. Ang mga tatakbo sa lokal na mga posisyon ay magsisimulang kumampanya sa Marso 29 hanggang sa Mayo 11.