MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang Commission on Elections sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng mga tayaan o sugal sa magiging resulta ng pambansa at lokal na halalan sa Mayo 2019.
“Isang election offense ang pagtataya sa resulta ng eleksyon,” diin ni Comelec Commissioner Marlon Consuejo sa isang panayam ng mga reporter.
Sinabi pa ni Consuejo na maaaring masampahan ng kasong criminal ang mga tao na mahuhuling sangkot sa pagpapataya o tayaan sa magiging resulta ng halalan.
Gayunman, inamin niya na magiging mahirap para sa Comelec na mahuli at kasuhan ang mga manunugal.
“Sino ang magsasampa ng reklamo, ang natalo?” tanong ni Consuejo sabay sabi na malamang hindi magsampa ng reklamo ang talunan dahil sangkot din siya sa iligal na aktibidad.
Makakagawa lang anya ng kaukulang hakbang ang Comelec at makakasuhan ang mga sangkot sa iligal na sugal dito kung merong sapat na ebidensiya o testigo na magpapatunay dito.