MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta sa 65 milyong balota na gagamitin para sa May 13, 2019 midterm elections.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, muling mangunguna ang National Printing Office (NPO) sa Quezon City sa pag-imprenta ng mga official ballots.
Target ng NPO na makapag-imprenta ng isang milyong balota kada araw kung saan matatapos ito bago o sa takdang araw ng Abril 25, 2019.
Kabilang dito ang 1.8 milyong balota na gagamitin para sa overseas absentee voting (OAV), na nakatakdang idaos sa Abril.
Ang mga balota para sa National Capital Region ang pinakahuling isasalang sa NPO printing machines.
Pasok na rin ang pag-imprenta ng 64 senatorial candidates at 134 partylists.
Matatandaang Enero 22 pa target ng Comelec na masimulan ang pag-iimprenta ng mga balota ngunit hindi ito natuloy dahil sa pagkaantala nang paglalabas ng pinal na listahan ng mga papayagang kumandidato sa pagka-senador.
Sa kabila naman ng delay, kumpiyansa pa rin ang Comelec na matatapos nila ang ballot printing bago ang Abril 25.
Dahil 93 araw na lamang ay halalan na, puspusan na ang paghahanda ng Comelec.
Sa Martes ay simula na rin ang kampanya sa mga national positions.