MANILA, Philippines — Sisikapin ng gobyerno na pabilisin ang proseso ng land conversion sa loob ng isang buwan mula sa kasalukuyang 2 taong proseso.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, magtutulong-tulong ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa pagbuo ng joint memorandum circular upang pabilisin ang proseso ng land conversion application sa loob lamang ng 30 araw.
Ang joint memorandum circular ay inaasahang maisusumite kay Pangulong Duterte bago ang susunod na Cabinet meeting sa Marso.
Layunin ng joint memo na mapabilis ang pag-aksyon ng gobyerno sa loob lamang ng 30 araw mula sa kasalukuyang 24-36 months sa aplikasyon kung ito ay aaprubahan o hindi papayagan.
Magugunita na inamin ni Pangulong Duterte na ‘nag-walkout’ ito sa nakaraang cabinet meeting dahil sa pagkadismaya sa umiiral na red tape sa gobyerno kung saan ay nalaman nitong inaabot ng mahigit 2 taon ang proseso ng land conversion sa DAR.
Natuklasan ng Pangulo ang isang insidente ng land conversion application na umabot ng 24-36 na buwan bago maaksyunan ang kanyang aplikasyon sa DAR.