Partylist: ROTC 'hotbed' ng pang-aabuso
MANILA, Philippines — Tinutulan ng ilang grupo ng kabataan ang pagpasa ng House Bill 1961 o Reserve Officers Training Corps para sa senior high school sa ikalawang pagbasa sa Kamara, Miyerkules.
Layon nitong obligahin ang mga eskwelahan na isailalim sa ROTC ang mga estudyanteng Grades 11 at 12 bago magtapos.
Tinukoy kasi ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang prayoridad ang pagbuhay sa ROTC para maituro ang "disiplina" at "pagkamakabayan" sa kabataan.
Pero hindi naman ito sinang-ayunan ng ilang mambabatas.
"Niratsada ang pagpasa ng House Bill 8961, mandatory ROTC para sa Grades 11 and 12. Sa kabila ng walang masusing pag-aaral ng committee, hindi man lang naaksyunan ang mga kaso ng pang-aabuso at paglabag ng karapatang pantao sa loob ng ROTC, naipasa na 'yan agad," banggit mi Kabataan party-list Rep. Sarah Elago habang papalabas ng sesyon kagabi.
Ipinasa raw ito sa kabila ng kakulangan ng senior high school implementation review, status report sa mga kaso ng harassment, hazing, at korapsyon sa loob ng ROTC.
Maaalalang isiniwalat noon ang hazing na nagaganap sa ROTC ng ilang unibersidad tulad ng sa Polytechnic University of the Philippines.
Sinusugan naman ng grupong Samahan ng Progresibong Kabataan ang pagkundena ng mandatory ROTC.
Aniya, walang kinalaman ang pagpapahirap sa pagbuhay ng patriyotismo sa puso ng kabataan.
“Patriotism does not necessarily equate to student cadets marching under the scorching heat of the sun every Sunday, wielding a rifle and mindlessly following shouted orders like training canines, minus the vulgar threats,” banggit ng SPARK sa isang statement.
(Hindi magiging makabayan ang kabataan dahil lang sa pagpapalakad mo sa kanila sa ilalim ng init ng araw tuwing Linggo, pagpapahawak sa kanila ng riple, at bulag na pagpapasunod at pagsigaw sa kanila na parang aso, maliban pa sa mga pagbabanta.)
Dagdag nila, hindi nito napahuhusay ang kanilang mga talento't kasanayan na kailangan para sa nation building.
“Real patriotism lies on the active participation of citizens in governance and nation building at all levels. Real patriotism is improving the conditions of the majority of our population.”
(Nasa aktibong pakikilahok sa pamumuno at pagbuo ng bansa ang totoong patriyotismo. Ang tunay na pagiging makabayan ay ang pag-aangat ng kondisyon ng karamihan ng populasyon.)
'Marami pang problema, ROTC inuna?'
Kwinestyon ng Kabataan party-list ang desisyon ng House of Representatives dahil marami pa aniyang ibang problema ang sistema ng edukasyon sa bansa.
"Instead of addressing the woes of basic education caused by and worsened by K to 12, Duterte and Congress prioritize subjecting students to mandatory military service (ROTC) instead, which is a 'hotbed of abuses' and has long history and culture of abuse, corruption, and impunity," ayon kay Elago sa plenary interpellation kahapon.
(Kaysa sagutin ang mga suliranin ng basic education na nanggaling at pinalala ng K to 12, inuuna pa ni Duterte at ng Kongreso na isailalim sa sapilitang military service sa ROTC ang mga estudyante, na may mahabang kasaysayan ng pang-aabuso, korapsyon, at kawalang pakundangan.)
Sa kabila ng pagdagdag ng dalawang taon sa high school, dati nang nagpahayag ng pagdadalawang-isip ang mga employers ng pagkuha ng mga K to 12 graduates.
Humaharap din ngayon sa budget cut ang mga state universities and colleges sa gitna ng mga alegasyon ng P270 bilyong pork barrel sa panuklang 2019 budget.
Sa gitna nito, naninindigan ang party-list na maniobra ito upang gawing lehitimo ang pagkakaroon ng militar sa eskwelahan at para masugpo ang mga militanteng estudyante.
"Nanawagan ang Kabataan na ipagpatuloy natin yung mga aksyon para labanan ang mandatory ROTC," dagdag ni Elago.
Matatandaang ibinasura sa kolehiyo ang mandatory ROTC matapos mapatay ni Mark Welson Chua noong 2001, isang estudyante ng University of Santo Tomas, na dating nagsiwalat ng mga anomalya sa loob nito. Nagbigay daan ito para sa pagkakapasa ng Republic Act 9163 o the National Service Training Program Law.
- Latest