4 na pagsabog naitala isang araw bago ang BOL plebiscite

Nangyari ang mga pagsabog sa Kauswagan, Lala at Sultan Naga Dimaporo — pawang mga bayan na nasa probinsya ng Lanao del Norte.
Wikimedia Commons/Tony Webster

MANILA, Philippines — Niyanig ng apat na pagsabog ang Mindanao isang araw bago ang ikalawang plebisito ng Bangsamoro Organic Law, Martes.

Nangyari ang mga pagsabog sa Kauswagan, Lala at Sultan Naga Dimaporo — pawang mga bayan na nasa probinsya ng Lanao del Norte.

"Ang lakas talaga ng putok. That's why yung mga military, they were around me also, agad-agad silang bumaba. They checked," sabi ni Kauswagan Mayor Rommel Arnado sa ulat ng One News.

Hinala niya, may kinalaman ang naturang pag-atake sa magaganap na plebisito ng BOL ngayong araw, na magdedesisyon kung isasali ang ilang bayan ng Lanao del Norte at ilang barangay ng North Cotabato sa itatayong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

"It's easy to speculate. But I don't wanna say anything. But obviously [it's] those who want to stop the 'no' vote... On our own analysis, talagang pananakot sa mga botante namin bukas," sabi ni Arnado.

Bagama't nasa Lanao del Norte, hindi kasama sa anim na munisipalidad ang tatlong bayan sa plebisito.

Nangyari ang pagsabog sa Lala 4:35 p.m. malapit sa isang gasolinahan, na sinundan naman ng pagsabog sa likod ng Kauswagan municipal hall ng 4:50 p.m.

Naitala ang pinakahuling pagsabog alas-10 ng gabi sa Sultan Naga Dimaporo.

Wala namang namatay o nasugatan sa insidente.

Samantala, sumabog naman ang isang motorsiklo sa Talayan, Maguindanao alas-dose y media ng hapon.

Ayon kay Major Arvin John Encinas ng 6th Infantry Division sa isang ulat, papunta sana ang rider sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ngunit umiwas nang makitang may checkpoint ng militar.

Iniwan ng suspek ang motorsiklo at sumabog matapos ang ilang minuto.

“The still unidentified bomber was struck by fear that his motorbike would be subjected to scrutiny by soldiers, so he abandoned it,” banggit ni Encinas.

MILF banta sa seguridad?

Nagpahayag naman ng kanyang pagkabahala si Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo sa Moro Islamic Liberation Front, na sa tingin niya'y magdudulot ng peligro kung 'di mapapasaloob ng BARMM ang mga bayan ng Lanao del Norte.

Lumabas kasi sa Facebook ang video ni Abdullah Makapaar alyas Commander Bravo ng MILF kamakailan.

"Bakit siya nagpapa-video? You know, that's intimidation. The last video, and the previous video, kung darating man yung sinasabi nilang 200 to 500 outsiders to intimidate the voters, the people of Lanao del Norte, they are prepared dahil lupa namin ito, taga rito kami. 'Di kami kayang takutin," ani Dimaporo.

Binatikos din ni Dimaporo si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez sa paghimok sa publikong bumoto pabor sa plebisito.

"Honestly, we felt that Secretary Galvez is feeding us to the wolves."

Kilala ang gobernadora na tutol sa pagsama ng mga munisipalidad ng Lanao del Norte sa BARMM.

Siniguro naman ng otoridad ang seguridad para sa mga botante.

“Currently the PNP Explosive Ordnance Division were conducting investigation to determine the kind of explosive and identify culprits of the incident,” ayon kay Brig. Gen. Thomas Sedano, Commander ng 2nd Mechanized Brigade, sa ulat ng News5.

“Everything is under control and we encourage everyone not to panic and exercise their right to vote,” banggit ni Maj. Gen. Roseller Murillo, Commander ng 1st Infantry Division at JTF Zampela.

“Rest assured that the Tabak troopers and PNP will respond to any eventualities that will emerge during and after the BOL election,” dagdag niya.  James Relativo

Show comments