MANILA, Philippines — ‘We have not, and we will never surrender any part of our territory!’
Ito ang binigyang diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa gitna na rin ng mga espekulasyon na isinuko na ng administrasyon ang Kagitingan Reef sa China matapos itong pasalamatan sa pagtatayo ng rescue center.
Binigyang diin ni Lorenzana na muling nanawagan ang pamahalaan sa China at iba pang bansang kaagaw nito sa teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea) na isapinal na ang katanggap-tanggap na Code of Conduct sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo.
Ang Spratly Islands sa West Philippine Sea ay pinag-aagawan ng Pilipinas, Brunei, Taiwan, Malaysia kung saan ang pinaka-agresibo ay ang China.
Sinabi ni Lorenzana na nananatili ang presensya ng AFP troops sa hurisdiksyon ng bansa sa Exclusive Economic Zone (EEZ) na kahit limitado ang resources ay mahigpit na binabantayan maging ang pinakamalayo mang teritoryo ng bansa.