MANILA, Philippines — All set na ang ipatutupad na mas mahigpit na seguridad para sa magaganap na ikalawang plebisito ng Bangsamoro Organic Law sa Mindanao sa ika-6 ng Pebrero, ayon sa Philippine National Police kahapon.
Magtatalaga ng mahigit 3,000 pulis sa Lanao del Norte at North Cotabato na paggaganapan nito bukas ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde.
“The PNP is now ready to assume election duties anew for the second BOL plebiscite (Handa na ang PNP na tupdin ang tungkulin para sa ikalawang plebisito ng BOL),” ayon kay Albayalde sa isang press conference.
Ilan sa mga lugar na sakop ng botohan ay ang mga bayan ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkal sa Lanao del Norte, at 39 barangay sa mga munisipalidad ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pigkawayan, at Pikit sa North Notabato para malaman ang isasama sila sa itatatag na bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Magkakaroon ng send-off ceremony ngayong araw sa Cagayan de Oro City para sa mga police officers na maglilingkod para sigurihin ang 588 polling centers sa dalawang probinsya.
Mayroon ding monitoring action center naman sa Police Regional Office 12 sa Lungsod ng General Santos.
Una nang sinabi ni Albayalde na dadalawin niya ang Lanao del Norte, isa sa mga lugar na tinitignan bilang critical area sa midterm elections sa Mayo, para pangasiwaan ang ipatutupad ng security measures.
"Ako po ay personal na pupunta at isu-supervise 'yan," sabi niya.
Mangyayari ang plebisito matapos ang mga nangyaring pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, sa isang mosque sa Zamboanga City, at Magpet nitong Enero.
Matatandaang sinabi ng Commission on Elections na hindi mapipigil ng mga nangyaring pagsabog ang mangyayaring plebisito bukas.
Sumuko kahapon sa mga otoridad ang prime suspect sa pagpapasabog sa simbahan ayon kay Albayalde.
Sa isang press briefing noong Lunes, sinabi ng PNP chief na itinanggi ni Kammah Kammah Pae, alyas "Kamah," na may kinalaman siya sa insidente.