MANILA, Philippines — Nagbabala ang Ecowaste Coalition tungkol sa mga pampaswerteng ibinebenta na tadtad diumano ng mga nakalalasong kemikal.
Inilabas ng grupo ang paalala kaugnay ng pagtangkilik ng marami sa Feng Shui charms ngayong Chinese New Year.
Nitong weekend, idinaan sa handheld X-Ray Fluorescence ng grupo ang nabiling 20 piraso ng lucky charms at amulets sa Binondo at Quiapo upang suriin kung may nakalalason na mga kemikal ang mga pampaswerte.
Ang ilan dito, positibo sa cadmium at lead.
“Some lucky charms and amulets that are supposed to attract energy, health, fortune, and happiness are unluckily contaminated with cadmium and lead, two highly hazardous substances that belong to the WHO’s list of 10 chemicals of major public health concern,” ani Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng Ecowaste Coalition.
(Ilan sa mga lucky charms at agimat na inaasahang makaaakit ng enerhiya, magandang kalusugan, swete, at kaligayahan ay kontaminado ng cadmium at lead, dalawang peligrosong materyal na kasama sa "10 chemicals of major public health concern" ng World Health Organization.)
Sa 20, nakakitaan ng "excessive levels" ng lead at cadmium ang 15 na lampas sa 90 parts per million limit sa pintura na pinahihintulutan ng batas ng Pilipinas, at 100 ppm limit ng cadmium sa mga alahas s ailaim ng European Union regulation.
Nakita raw ang aabot sa 1,906 hanggang 293,000 ppm ng cadmium sa mga pendant na nakapalamuti sa apat na pulang fabric bracelets at steel chain necklaces, habang nadiskubre naman ang 1,324 hanggang 57,300 ppm ng lead ang nakita sa 11 lucky charms at amulets.
“Cadmium and lead, which can accumulate in the body and damage human health, should not be present in consumer products, especially for items that are supposed to enhance good health and better life,” dagdag ni Dizon.
(Dapat walang cadmium at lead sa mga produktong binibili natin dahil maaari itong maipon sa katawan at makapinsala ng kalusugan, lalo na para sa mga gamit na inaasahang magpapahusay ng kalusugan at buhay.)
Pinakamalala naman daw sa mga nakita nila ang stainless steel na kwintas na may pig pendant na may 293,000 ppm ng cadmium, at pulang telang pulseras na may palamuting baboy na may 238,800 ppm ng cadmium.
Nakikita sa disenyo ang imahen ng mga baboy kaugnay ng taon ng "Earth Pig."
Lima sa mga lucky charms ang diumano'y puno ng lead: isang "holy gourd" na may 57,3000 ppm, dragon na may 52500 ppm, lotus flower na may 22,000 ppm, windhorse na may 20,300 ppm, at 3-legged frog na may 19,500 ppm. Isang lucky peach trinket din ang may 56,000 ppm ng lead.
Ayon WHO, nakaaapekto ang lead sa "neurologic, hematologic, gastrointestinal, casdiovascular," at "renal systems" ng katawan.
Maaaring mapinsala ng lead exposure sa mga bata, kahit na kakaonti, ang development ng utak at maaaring magsanhi ng mga problema sa pagkatuto at pag-uugali.
Para sa mga matatanda, maaaring magdulot ng pagkalaglag ng sanggol ang lead exposure para sa mga buntis habang napapababa naman nito ang sperm count sa kalalakihan. Ilan pa sa mga sakit na naidudulot nito ay hypertension.
Itinuturing namang "carcinogenic" o nakapagdudulot ng cancer ng International Agency for Reseach om Cancer ang cadmium. Maaari rin itong magsanhi ng mababang timbang ng mga sanggol, premature na panganganak, pagkamatay ng bata sa sinapupunan, pagkalaglag, at birth defects sa mga bata, maliban sa behavioral at learning disabilities.
Payo ng Ecowaste Coalition, imbis na bumili ng mga pampaswerte ay piliin na lang daw ang healthy lifestyle, umasa sa sipag at tiyaga, manalangin, at gumawa ng mabuti.
Kung hindi naman daw maiiwasan, bumili na lang daw ng mga lucky charms at amulets na may "plastic laminate" upang maiwasan ang pagkasira ng pintura nito na pinanggalingan madalas ng lason. – James Relativo