Mga Pinoy pabor ipakulong ang 15 anyos sa murder, rape - SWS
MANILA, Philippines — Pabor ang mga Pinoy na ikulong ang mga menor de edad na sangkot sa krimen sa edad na 15 anyos, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa magkahiwalay na survey na isinagawa ng SWS noong Hulyo at Disyembre, 63 porsiyento ng mga Pinoy ang pumapayag habang 22 porsiyento ang tumututol sa pagpapakulong sa mga kabataang sangkot sa rape.
Sumasang-ayon naman ang 59% ng mga respondent na ipakulong ang mga kabataang sangkot sa pagpatay habang 24% ang tumututol dito.
Samantala, 49% sang-ayon at 35% ang hindi sang-ayon sa pagpapakulong sa mga batang nahuhuli bilang drug courier. Habang 28% lang ang pabor at 62% ang tutol na ipakulong ang menor de edad na nang-snatch ng cellphone.
Edad 15 ang kasalukuyang nakasaad sa batas na edad ng pananagutan, batay sa Juvenile Justice Welfare Act.
Ang mga tumututol naman sa pagpapakulong ng mga bata ay naniniwalang nasa kustodiya dapat ang mga ito ng Department of Social Welfare and Development sa halip na nasa kulungan.
Nasa 1,500 respondents ang sumagot sa mga naturang survey, na kinomisyon ng European Union at Spanish Government.
Nitong Lunes inaprubahan ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang House Bill 8858, na layong ibaba ang edad ng pananagutan mula 15 anyos sa 12 anyos.
- Latest