MANILA, Philippines — Karamihan sa mga Pilipino na pabor sa pagpiit sa mga batang lumalabag sa batas ang naniniwalang 15-anyos dapat ang minimum age of criminal responsibility, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Social Weather Stations.
Ginawa sa pakikipagtulungan ng Commission on Human Rights, isiniwalat ng SWS survey na pabor ang karamihan sa median age na 15 — pareho sa kasalukuyang pamantayan ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Hinalaw ang resulta mula sa mga payag na makulong ang mga menor de edad para sa ilang krimen.
Mula sa 1,500 sinuri, umabot sa 63 porsyento ang payag na makulong ang mga bata kung may hinalay; 22 ang tutol. 59 na porsyento naman ang pabor na makulong ang mga menor de edad na makapapatay habang 24 naman ang ayaw.
Nasa 49 na porsyento ang payag na makulong ang mga batang magiging drug courier habang 35 naman ang 'di pumayag. Para sa pagnanakaw ng cellphone, 28 porsyento ang pabor habang 62 ang tutol.
Walong porsyento lang ang sumang-ayon na makulong ang mga menor na mang-uumit ng pagkain. Karamihan naman o 84 poryento ay hindi pumayag dito.
Ginawa ang survey sa pambansang antas sa dalawang magkahiwalay na yugto — mula ika-13 hanggang ika-16 ng Hulyo at ika-18 hanggang ika-22 ng Disyembre taong 2018.
Sa mga hindi pabor na makalaboso ang mga bata, nagkaisa ang pinakamarami na ilagay na lang ang mga lumabag na menor de edad sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development o Local Social Welfare and Development Office.
Depende sa kaso, nag-range ito mula sa 44 porsyento hanggang 73.
Pumangalawa ang paglalagay sa mga bata sa barangay custody, ikatlo ang pagkonsulta sa psychiatrist, ika-apat ang pakikipag-usap sa bata, ika-lima ang pagbabalik ng bata sa mga magulang at ika-anim naman ang pabor na ilagay na lang sila sa mga Bahay Kalinga/Pag-asa.
Pinondohan ng European Union at Spanish Cooperation Agency ang pag-aaral upang maisakatuparan ang survey.
Juvenile justice 'komplikado'
Sinabi ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit na hindi dapat malimitahan sa pagpili ng edad ang paggawad ng juvenile justice.
“It is about how we care for our children, how we guide them to become responsible adults through well-resourced programs, people in an enabling environment. It is about second chances. We owe them the best we can give,” ani Dumpit sa isang pahayag.
(Nakadepende ito sa kung paano natin pangangalagaan ang mga bata, kung paano natin sila gagabayan para maging responsableng tao sa pamamagitan ng mga programang pinaggugulan nang maayos at mga taong nasa "enabling" na kapaligiran. Tungkol ito sa mga ikalawang pagkakataon. Utang natin sa kanila ang pinakamahusay na kaya nating maibigay.)
Pinabulaanan din ni Dumpit na gusto nilang palusutin nang palusutin ang child offenders.
Ipinasa noong Lunes sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara ang House Bill 8855 na layong magbaba ng minimum age of criminal responsibility sa 12 taong gulang.
Una itong inilagay sa 9-anyos ng mga mambabatas ngunit itinaas matapos tutulan ng publiko ang panukala.
Sa ilalim ng kontrobersyal na panukala, ide-detain sa mga Bahay Pag-asa o youth care facilities ang mga batang lumalabag sa batas para ma-rehabilita at mabigyan ng intervention.
May 63 pasilidad ng Bahay Pag-asa sa Pilipinas ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council. Lima dito ang hindi na pinatatakbo.
Nauna nang tinawag na "mas masahol sa preso" ni Tricia Oco, executive director ng JJWC, ang ilang Bahay Pag-asa dahil sa kakulangan ng pondo. – James Relativo