Jolo Cathedral blast
MANILA, Philippines — Anim na persons of interest ang natukoy ng mga awtoridad na sangkot sa dalawang insidente ng pagpapasabog sa Mount Carmel Church sa Jolo, Sulu kamakalawa na kumitil ng buhay ng 20 katao habang 112 pa ang nasugatan.
Sinabi ni National Security Adviser ret. Gen. Hermogenes Esperon Jr., na anim na persons of interest ang natukoy sa CCTV na posibleng may kinalaman sa pambobomba.
Inihayag niya na nasa anim ang persons of interest na nakita habang kahinahinalang tumatakas sa blast site.
Nabatid pa sa opisyal na Agosto pa lamang ng nakalipas na taon ay may natanggap nang intelligence report na magpapasabog ang teroristang grupo.
Kaugnay nito, tinukoy naman na kapatid ng isa sa mga lider ng Abu Sayyaf na isang alyas Kamah, kapatid ng lider ng Abu Sayyaf Commander Surakah Ingog, ang isa sa naispatan sa CCTV.
Nabatid na si alyas Kamah ay isang bomb expert ng mga bandido na nakabase sa lalawigan ng Sulu. (May dagdag na ulat si Rhoderick Beñez)