^

Bansa

'All-time high' sa dayuhang turista naitala noong 2018

James Relativo - Philstar.com
'All-time high' sa dayuhang turista naitala noong 2018
Nangyari ito sa kabila ng pagsasara ng Boracay sa mga turista, ang "flagship destination" ng Pilipinas.
AFP/Noel Celis

MANILA, Philippines — Umabot sa 7,127,168 na dayong turista ang bumisita sa Pilipinas noong nakaraang taon, ang pinakamataas sa kasaysayan ng turismo sa bansa, ayon sa Department of Tourism.

Naitala ang 7.65 porsyentong growth rate kumpara sa 6,620,908 noong 2017.

Nangyari ito sa kabila ng pagsasara ng Boracay sa mga turista, ang "flagship destination" ng Pilipinas.

“This is a time that celebrates the 7.1 million tourist arrival count — the highest ever in our country’s history — while at the same time championing the cause of an economic activity that can support and transform lives of common Filipinos,” pahayag ng kalihim ng DOT na si Bernadette Romulo-Puyat.

(Panahon ito ng pagdiriwang para sa 7.1 milyong tourist arrival count - ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa, habang itinataguyod natin ang gawaing pang-ekonomiyang susuporta at magbabago sa buhay ng karaniwang Pilipino.)

Aniya, nalampasan ng departamento ang marami sa mga target ng National Tourism Development Plan mula sa ambag sa gross domestic product hanggang domestic arrivals.

Nalampasan din daw ng growth rate ng turismo sa Pilipinas ang average tourism growth sa mundo at average growth para sa Asya's Pasipiko na 6 porsyento alinsunod sa National World Tourism Organization World Tourism Barometer.

Nabigyan daw ng pagsasara ng Boracay ng pagkakataon na mapansin ang ibang destinasyon sa Pilipinas.

“The challenging act of closing down Boracay- a flagship destination, the country’s top sun-and-beach destination, has evidently become a blessing in disguise for secondary tourism spots to have a share of the limelight and attention they truly deserve," sabi ni Puyat.

(Ang pagsasarado sa Boracay-isang flagship destination, ang numero unong dalampasigan ay naging biyaya para sa mga secondary tourism spots para mailagay sa pedistal at makuha ang pansin na kailangan nila.)

Ilan sa mga alternatibong puntahan na nabigyan ng opurtunidad ay ang Siargao, Iloilo, Palawan, La Union, Romblon at Siquijor.

"It shows that turning off the faucet when the water is unclear can bring a fresher flow in just an unexpected period of time. With this, we have also seen the transition from a mass tourism perspective shifting into a high-value tourism direction that prioritize quality over mere quantity,” dagdag ng kalihim.

(Makikita na kapag pinatay mo ang gripong may maruming tubig, maaasahan ang mas malinis na agos sa darating na panahon. Dahil dito, nakikita natin ang transition mula sa mass tourism perspective patungo sa high-value tourism na may diin sa kalidad kesa sa dami.)

Matatandaang ipinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boracay noong Abril para masimulan ang rehabilitasyon ng isla.

Nasisira na raw kasi ang kalikasan sa paligid nito bunsod ng hindi maayos na pagtatapon ng basura ng mga establisyamento sa lugar.

Muli naman itong binuksan nitong Oktubre.

Numero uno sa mga dumayo sa Pilipinas noong 2018 ay nagmula sa South Korea na umabot sa 1,58,959.

Pinakamalaki naman ang itinaas ng Tsina na may 1,255,258 arrivals, na tumaas ng 29.62 porsyento. Ikatlo naman ang Estados Unidos sa 1,034,396.

Pasok din sa top five ang Japan (631,801) at Australia (279,821).

Nandiyan naman ang Taiwan, Canada, United Kingdom, Singapore, Malaysia, India at Hongkong para kumpletuhin ang top 12.

Makikita sa mga datos na pinakamarami ang nagpunta noong Enero 2018 na sinundan naman ng Disyembre.

“We are now in a time in need of vigilance — a dedication to the principle of a sustainable and inclusive tourism industry,” ani Puyat. 

(Panahon ito para maging mapagbantay — ang dedikasyon sa prinsipyo ng sustainable at inclusive tourism industry.)

BORACAY

DEPARTMENT OF TOURISM

FOREIGN TOURISTS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with