MANILA, Philippines — Bibigyan ng maayos at dekalidad na relokasyon ang tinatayang 220,000 pamilya na inaaasahang maaapektuhan ng isasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay.
Ayon kay Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson/ CEO, Alvin S. Feliciano, sisikapin ng naturang ahensiya na maayos ang lilipatan ng mga informal settlers na naninirahan sa paligid ng Manila Bay at handa rin ang kaniyang tanggapan na makipag-ugnayan sa mga ito para maging maayos at mapayapa ang isasagawang relokasyon.
“Lubos tayong natutuwa na kabilang ang PCUP sa inter-agency committee para sa rehabilitasyon ng Manila Bay na pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil mas maaantabayanan natin ang pagbibigay ayuda sa mga maaapektuhan ng rehabilitasyong isasagawa sa look,” ani Feliciano.
“Bilang ahensiya ng gobyerno na nagsisilbing tulay ng maralitang taga-lungsod sa pamahalaan, titiyakin natin na hindi sub-standard ang mga bahay na lilipatan ng ating mga kababayan. May maayos na patubig, kuryente, at kalsada, at malapit ito sa mga eskwelahan at klinika upang hindi na kailanganin pang lumayo para sa maayos na edukasyon at serbisyong pang-kalusugan. Higit sa lahat, sisiguraduhin natin na mayroong naghihintay na oportunidad sa bawat isa upang di na nila maisip pang bumalik sa kanilang pinanggalingan,” dagdag pa nito.
Samantala, ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, tinatayang aabutin sa P47 bilyon ang gagastusin para sa pagsasa-ayos ng Manila Bay at kasama na rito ang budget para sa relokasyon ng mga taong naninirahan sa paligid nito. Inaasahang magsisimula ang nasabing proyekto sa Enero 27, 2019.