Mayor Baldo inaresto!
MANILA, Philippines — Arestado si Mayor Carlwyn Baldo na itinuturong utak sa pamamaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at sa aide nitong si SPO2 Orlando Diaz matapos makuhanan ng mga ‘di lisensyadong baril sa ginawang search warrant sa kanyang bahay sa Brgy. Tagas sa bayan ng Daraga, Albay kahapon.
Dakong alas-3:25 ng hapon nang pasukin ng pinagsanib na operatiba ng Police Regional Office-5, Albay Police, Daraga Police at Criminal Investigation and Detection Gruop (CIDG)-5 sa pangunguna ni Senior Supt. Wilson Asueta, provincial director ng Albay at Chief Inspector Ronnie Fabia ng CIDG-5, ang bahay ng alkalde.
Sa bisa ng dalawang search warrant na ipinalabas nina Legazpi City-RTC Judge Elmer Lanuzo para sa bahay at Judge Ma.Theresa San Juan Loquinallo para sa sasakyang SUV, sinalakay ng mga pulis ang bahay ni Baldo.
Nasamsam ang dalawang kalibre .45 pistola, isang grenade launcher at mga bala para sa Uzi machine pistol, kalibre .45 at M16 armalite rifle.
Sa harap ng kanyang asawa, nanay, mga kapatid at tagasuporta ay pinosasan si Baldo at dinala sa opisina ng CIDG matapos makumpirma ng mga operatiba na iligal at walang mga dokumento ang nabawing mga baril.
Ayon kay Senior Supt. Asueta, pansamantalang ikukulong ang alkalde sa detention cell ng CIDG-5 sa loob ng Camp Gen.Simeon Ola sa lunsod na ito.
Ipoproseso naman ang nakuhang mga baril para malaman kung nagamit ito sa pamamaslang kay Batocabe at Diaz.
Sinabi ni Asueta, na sinilbihan nila ng search warrant ang alkalde matapos magbigay ng impormasyon sa kanila ang mismong tauhan ni Baldo sa itinatago nitong mga armas.
- Latest