66 guro sa Cotabato City tinakot

Sinabi naman ni Commission on Elections spokesman James Jimenez na matagumpay naman sa kabuuan ang plebisito kahit naantala ito sa ilang mga lugar. May 100 porsiyento an­yang nagbukas ang mga presinto sa lahat ng lugar pero 24 sa 374 presinto ang naantala nang apat na oras ang pagbukas dahil hindi nagpakita ang mga gurong nakatalaga rito.

Hindi sumipot sa plebesito

MANILA, Philippines — May 66 guro ang tinakot at pinagbantaan kaya hindi nakasipot sa ilang presinto sa Cotabato City na naging dahilan ng pag­kaantala ng plebisito rito kahapon nang ilang oras para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law.

Sinabi naman ni Commission on Elections spokesman James Jimenez na matagumpay naman sa kabuuan ang plebisito kahit naantala ito sa ilang mga lugar. May 100 porsiyento an­yang nagbukas ang mga presinto sa lahat ng lugar pero 24 sa 374 presinto ang naantala nang apat na oras ang pagbukas dahil hindi nagpakita ang mga gurong nakatalaga rito.

Ipinahayag din ng Phi­lippine National Police at Armed Forces of the Philippines na payapa sa pangkalahatan ang plebesito sa kabila ng ilang insidente ng ‘isolated case.’

Ito ay kahit nagkaroon ng konting aberya sa girian ng mga supporters,  pagtatangka ng mga flying voters na bumoto, pagtanggi ng mga guro na magsilbing Board of Election Inspectors (BEI’s ) sa Cotabato City; komosyon at iba pa ay naisagawa ang botohan sa iba’t-ibang lugar sa  mga lalawigan ng ARMM at mga lungsod ng Cotabato at Isabela.

 Sa mga lalawigang nasasaklaw ng ARMM ay isinagawa ang ratipikasyon ng BOL na kinabibilangan ng Maguindanao, Sulu, Basilan, Lanao del Sur at Tawi-Tawi. Nasa 18,000 namang sundalo at pulis ang idineploy para mangalaga sa seguridad  habang ang 2,104 pang security forces ay sa ibang mga kritikal na lugar kaugay ng plebisito.

Ayon kay Atty. Rey Sumalipao, ARMM regional director, bahag­yang nagkagulo sa anim na nayon sa Cotabato City dahil wala sa kanilang mga presinto ang 66 guro na dapat na magbabantay at mangangasiwa sa botohan dito.

Paliwanag ni Suma­lipao, hindi rin masisisi ang mga mga guro lalo pa’t may mga pamilya rin ang nga ito na itinata­guyod.

Sinasabi umano ng naturang mga guro na nakatanggap sila ng mga mensaheng nagbabanta sa kanila kaya hindi sila nag-report para sa kanilang election duties.

Dahil dito, 72 pulis ang naging Board of Election inspector sa isinagawang plebesito kahapon sa na­sabing lungsod.

Inilagay na rin sa kontrol ng Commission on Elections ang Cotabato City dahil sa kondisyon sa lugar. 

Bukod sa nabanggit ay nabalam din ang halalan sa ilang mga lugar sa Basilan, Sulu at ilang bayan sa lalawigan ng Maguidanao.

Inaasahang  mailalabas sa Biyernes ang resulta ng plebesito.

Ayon kay Jimenez,   magtatagal ng apat na araw ang bilangan at canvassing dahil mano-mano ang magiging bilangan ng mga balota.

Pagkatapos ng botohan, agad dadalhin ang canvass mula sa Cotabato City sa National Canvassing Board na magsasama-sama sa Intramuros, Maynila nga­yong araw.

Gayunman, may bahagi aniya sa Basilan na daraan sa provincial at regional canvassing board ang canvas.

Sa Pebrero  6 naman gaganapin ang plebisito para sa Lanao del Norte at anim pang munisipalidad sa North Cotabato.

Umaabot sa 2.2 mil­yong botante ang inaasahang bumoto para sa BOL.

Kapag naratipikahan, bibigyang-daan ng Republic Act 11054 ang pagbuo sa bagong Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao na papalit sa Autonomous Region for Muslim Mindanao.  

Show comments