'Amang' hihina, magiging LPA sa susunod na 12 oras
MANILA, Philippines — Inaasahang hihina ang Tropical Depression Amang at magiging low pressure area na lamang sa susunod na 12 oras, ayon sa weather bulletin ng PAGASA.
Bahagya itong bumagal sa pagbaybay nito sa eastern seaboard ng Eastern Samar, ayon sa 5 p.m. severe weather bulletin ng PAGASA.
Namataan ang mata ng bagyo 105 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar kaninang alas-4 ng hapon na may lakas na 45 kph at pabugsu-bugsong hangin na 60 kph.
Nakataas ang tropical cyclone warning signal #1 sa mga sumusunod na lugar:
- Masbate (kasama ang Ticao island)
- Sorsogon
- Northern Samar
- Eastern Samar
- Samar
- Biliran
- Leyte
Kaugnay nito, makararanas ng mahihina hanggang katamtamang pag-ulan sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Northern Samar ngayong gabi.
Bagama't malayo ang sentro ng bagyo, inaasahan ang matataas na alon dahil sa pag-iral ng Hanging Amihan.
Inabisuhan din ng PAGASA na huwag pumalaot ang mga mangingisdang may maliliit na sasakyang pandagat sa seaboards ng northern Luzon, eastern seaboards ng Central Luzon, Southern Luzon, Visayas, at lahat ng seaboards na nakapailalim sa Signal No. 1.
Kasalukuyang pa-hilaga ang direksyon ng bagyo sa bilis na 10 kph.
Posibleng makita ang bagyo 175 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon sa susunod na 24 oras.
- Latest