MANILA, Philippines — Itinaas ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 1 sa siyam na lugar sa pagtumbok ng Tropical Depression Amang sa Leyte at Samar.
Ito ang unang bagyo na nakapasok sa Philippine area of responsibility ngayong 2019.
Namataan ang mata ng sama ng panahon sa Guiuan, Eastern Samar kaninang alas-7 ng umaga, at nagtala ng lakas na 45 kph malapit sa gitna na may pabugsu-bugsong hangin na 60 kph.
Tinatahak nito ngayon ang direksyon na hilagang-kanluran sa bilis na 10 kph.
Itinaas ng Pagasa ang TCWS 1 sa sumusunod na lugar:
- Eastern Samar
- Samar
- Biliran
- Leyte
- Southern Leyte
- Eastern Bohol
- Northern Cebu
- Surigao del Norte
- Dinagat Islands
Posibleng makaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Cenral Visayas, at Bicol region ngayong araw.
Bukas naman, maaaring tamaan ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Inabisuhan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang mga nakatira sa mga nabanggit na lugar, pati na sa mga lugar na madalas ang pagbaha at pagguho ng lupa, na mag-ingat at makipag-ugnayan sa mga local disaster risk reduction and management offices.
Binalaan ang mga mangingisda na may maliliit na bangka na huwag nang pumalaot sa mga seaboards na nakasapailalim sa signal no. 1, northern at eastern seaboards ng hilagang Luzon, at eastern seaboards ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Inaasahan ang sama ng panahon 75 kilometro kanluran ng Tacloban City, Leyte bukas.