MANILA, Philippines — Nagdeploy na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng mahigit 20,000 sundalo at pulis sa iba’t ibang lugar sa Mindanao para magbantay sa gaganaping plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Lunes, Enero 21.
Pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. at PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang send-off ceremony para sa mga sundalo at pulis sa himpilan ng Army’s 6th Infanty Division (ID) sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Unang boboto sa Lunes ang mga residente ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City sa Basilan, at Cotabato City.
Sa Pebrero 6 naman ang mga taga-Lanao del Norte puwera Iligan City, anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang mga lugar na nagpetisyon sa Commission on Elections (Comelec) para makalahok sa plebisito.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, wala pang lehitimong banta na nakikita sa ngayon pero pinaghahandaan nila ang posibilidad na may magtangkang manggulo sa plebisito.
“Merong mga indication na parang may gusto [manggulo] pero hindi pa namin ma-confirm ‘yan... Most likely, ang scenario na mangyari diyan eh magpasabog sila kung saan-saan just to scare people, disrupt,” saad ni Lorenzana.
Kapwa tiniyak naman nina Madrigal at Albayalde na nakahanda sila sakaling manggulo ang mga spoilers sa BOL.
Kabilang sa mga posibleng spoilers ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Dawlah Islamiyah terror group, Abu Toraife Group at Ansar Khilafa Philippines na pawang ISIS-inspired.
Dalawang grupo rin ang kanilang binabantayan, isa rito ay ‘yes’ o pabor at ang ‘no’ na tutol naman sa BOL na posibleng manakot sa mga boboto sa plebisito.