‘Rice Tarrification Bill i-veto’
MANILA, Philippines — Hiniling ng grupong Bayan Muna kay Pangulong Duterte na i-veto ang Rice Tarrification Bill dahil magdudulot ito ng pagtaas ng presyo ng bigas kung papayagan ang sobra-sobrang pag-iimport ng imported na bigas.
Sinabi nina Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi solusyon sa krisis sa bigas ang Rice Tarrification bagkus ay magdudulot pa ito ng dagdag na problema.
Nakikiisa sina Neri at Colmenares sa mga magsasaka at sa National Food Authority Employees Association (NFAEA) sa pagtutol sa panukala para maprotektahan ang lokal na ekonomiya sa sandaling dumagsa sa merkado ang bigas kapag naipasa ang panukala.
Nangangamba si Zarate na mas lalakas ang rice cartel kung babaha ng imported na bigas sa merkado.
Bukod dito matutulad din umano ang presyuhan ng bigas sa langis na parating tumataas dahil nakadepende ito sa international market.
Ang dapat umanong gawin ngayon ay palakasin pa ang NFA para mas maraming mabiling palay sa mga lokal na magsasaka sa mas mataas na halaga at sa ganitong paraan ay hindi mapipilitang magbenta ang mga magsasaka sa kartel ng bigas.
Paliwanag pa ng mga kongresista na papatayin ng nasabing batas ang local rice industry sa bansa.
- Latest