Kagutuman noong 2018 pinakamababa sa 15 taon – SWS

Bumaba ito mula sa 13.3 porsyento o 3.1 milyong pamilya na nakuha isang buwan bago isinagawa ang survey.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Nakaranas ng gutom ang 2.4 milyong pamilyang Pilipino sa huling kwarto ng 2018, mas mababa sa naitala ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre.

Ipinakita sa pinakabagong resulta na 10.5 porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng "involuntary hunger" (pagkagutom na hindi sinasadya) sa pagitan ng Oktobre hanggang Disyembre 2018.

Bumaba ito mula sa 13.3 porsyento o 3.1 milyong pamilya na nakuha isang buwan bago isinagawa ang survey.

Lumalabas na 10.8 porsyento ang average hunger rate na mas mababa sa 12.3 porsyento noong 2017.

Ito na ang pinakamababang nakuha ng bansa mula sa pitong porsyento noong 2003.

"Ang 10.5 porsyentong quarterly hunger noong Disyembre 2018 ang pinagsamang 8.9 porsyento (2.1 milyong pamilya) na nakaranas ng katamtamang kagutuman at 1.5 porsyentong (354,000 pamilya) nakaranas ng matinding kagutuman," sabi ng SWS sa Ingles.

Ang katamtamang kagutuman ay tumutukoy sa mga nagutom ng "isa" o "kaonting" beses sa nakaraang tatlong buwan. Tinutukoy naman ng matinding kagutuman ang mga nakaranas nito ng "madalas" hanggang "palagi" sa nakaraang tatlong buwan, ayon sa pag-aaral.

Kung bubusiin, makikita na bumaba ng 1.7 puntos ang katamtamang kagutuman, mula sa 10.6 porsyento noong Setyembre hanggang 8.9 porsyento noong Disyembre.

Bumaba naman ng 1.3 puntos ang matinding kagutuman ng 1.3 puntos, mula sa 2.8 papuntang 1.5.

Nabawasan kasi ng 10 puntos ang dami ng pamilyang nakaranas ng involuntary hunger, mula 18.3 porsyento noong Setyembre tungong 83. porsyento noong Disyembre.

Bumaba rin ang kagutuman sa huling kwarto ng taon sa balance Luzon (mula 12.7 porsyento papuntang 9.5), habang tumaas naman sa Metro Manila (mula 17.3 porsyento papuntang 18.3 porsyento) at Visayas (mula anim na porsyento papuntang 9.2).

Kinalap ang datos mula sa 1,440 katao.

Iniugnay ng Palasyo ang resulta sa pagsisikap ng pamahalaan na solusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, may darating pang mas kaiga-igaya para sa mga Pilipino.

"Sang-ayon ang positive development na ito sa naunang survey kung saan mas kakaonti ang pamilyang Pilipinong tinawag ang sariling mahirap," sabi ni Panelo sa Ingles.

"'The best is yet to come' habang patuloy na kumakayod si Presidente Duterte sa nalalabi niyang termino na maiangat ang mas maraming pamilyang Pilipino sa hirap at gutom," dagdag niya.

Sinabi ni Panelo na nagsisimula nang magbunga ang pagsusumikap ng Presidente na pakalmahin ang inflation.

Umaasa ang gobyerno na magiging upper-middle income na bansa ngayong taon.

Show comments