MANILA, Philippines — Hindi pa handa ang pamahalaan upang tuluyang ipagbawal ang paninigarilyo at pag-inom ng alak sa buong bansa.
Sinabi ni Health Usec. Eric Domingo, kung ang DoH lang ang masusunod ay nais nilang tuluyang ipagbawal ang paninigarilyo at pag-inom ng alak sa buong bansa para na rin sa kalusugan ng mamamayan. Pero hindi aniya nila magawa dahil sa ilang mga alituntunin.
Ayon kay Domingo, ang pagpapataw ng mataas na tobacco tax at additional sin tax sa alak ay mayroong nakikitang health benefit dahil mababawasan na ang maninigarilyo at iinom ng alak lalo sa hanay ng kabataan at mahihirap.
Simula Enero 2019 ay ipapatupad na ang VAT exemptions sa mga gamot para sa diabetes, high cholestorel at hypertension.
Sinabi ni Finance Asec. Tony Lambino, dahil sa nasabing VAT exemptions ay P3.6 bilyon na kita ng gobyerno ang mawawala.
Gayunman, ang panukalang dagdag na sin tax sa sigarilyo at alak ay malaking tulong para sa karagdagang pondo naman sa Universal Health Care.
Nasa P40 bilyon ang inaasahang malilikom sa mas mataas na sin tax sa sigarilyo at alak.