Hamon ni Bishop Bacani kay Digong ‘kabaliwan’ - Palasyo
MANILA, Philippines — Isa umanong malaking kabaliwan ang hamon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kay Pangulong Duterte na maglakad ito ng mag-isa at walang security sa lansangan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, bagamat nais at kayang tanggapin ng Pangulo ang nasabing hamon ay kailangan na sumunod ang Pangulo sa security protocol upang matiyak ang kaligtasan nito lalo’t ito ang humaharap sa mga problema ng bansa.
Idinagdag pa ni Panelo na hindi na dapat patunayan ng Pangulo ang kanyang katapangan gayung nang ito’y alkalde pa lamang ng Davao ay mag-isa itong nagpapatrulya at humahabol sa mga kriminal sa pamamagitan ng pagkukunwaring isa siyang tsuper ng taxi.
Baka hindi raw alam ni Bacani ang ginawang pagsa-substitute ng Pangulo sa isang hostage incident noon para lang mapakawalan ang isang biktima ng hostage-taking.
Inihayag pa ni Panelo na sa susunod, dapat sigurong pag-isipang mabuti ng Obispo ang mga binibitiwan nitong hamon para hindi mapahiya sa bandang huli.
- Latest