Trillanes naghain ng 'not guilty' plea para sa libel
MANILA, Philippines — Naghain ng not guilty plea si Sen. Antonio Trillanes IV matapos basahan ng sakdal sa apat na charges ng libel sa Regional Trial Court Branch 54 ng Davao City ngayong umaga.
Itinakda ng Davao RTC ang arraignment sa balwarte ng Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw. Kilalang kritiko ng pangulo ang senador.
Sen. Antonio Trillanes IV pleads not guilty to the 4 charges of libel filed before RTC Branch 54 here in Davao City | (????: Davao Breaking News) via Edith Regalado pic.twitter.com/8UAvHhhcit
— The Philippine Star (@PhilippineStar) January 15, 2019
Humaharap sa kasong libel si Trillanes matapos ireklamo ng anak ng presidente, si dating Davao City vice mayor Paolo Duterte.
Noong Disyembre, naglabas ng isang pahinang warrant of arrest laban sa senador para sa kasong libel. Umabot ng P96,000 ang inihaing piyansa (P24,000 kada count ng libel) ni Trillanes sa Pasay RTC kaugnay ng reklamo.
Inakusahan ni Paolo si Trillanes ng paninirang puri sa isang panayam sa radyo sa Cebu. Dito, inakusahan ni Trillanes ng korapsyon at pangingikil si Paolo kaugnay ng Uber at iba pang mga kumpanya na nire-regulate ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Road Board at Department of Public Works and Highways.
Iniuugnay din ni Trillanes ang nakababatang Duterte at bayaw na si Manases Carpio sa kalakalan ng shabu.
Ayon kay Trillanes, isinampa ang kaso para i-"harass" siya.
'Travel ban' hindi pinagbigyan
Samantala, ibinasura din ng Davao RTC ang hiling ng gobyero na isyuhan ng travel ban si Trillanes. Aniya, hindi "flight risk" ang senador.
Humihingi kasi ng hold departure order ang Department of Justice laban kay Trillanes.
Pansamantala ring tinanggal ng Makati court ang travel ban sa kanya matapos buhayin ang kasong rebelyon laban sa senador.
- Latest