Trangkaso uso ngayon - DOH
MANILA, Philippines — Asahang mas darami ang mga magkaka-trangkaso lalo na’t flu season umano ngayong Enero, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa datos ng DOH, sa loob lang ng isang linggo mula Disyembre 2-8 ay nakapagtala sila ng 249 kaso ng flu at flu-like illness at mas tumataas daw ang bilang nito tuwing Enero hanggang Marso.
“It’s a viral illness, tapos taon-taon, ibang strain siya usually na dumarating na virus,” ani DOH Undersecretary Eric Domingo.
“Symptoms niya lagnat, minsan walang lagnat, pero common na may sipon, ubo, sore throat, ‘yung iba nagchi-chills tsaka para kang walang gana,” dagdag ng opisyal.
Mas matagal din daw ang trangkaso na maaaring umabot nang hanggang isang linggo.
Ayon sa DOH, makatutulong ang magpahinga at ang pag-inom ng maraming tubig kapag may trangkaso. Pero kung lupaypay at tila tuliro na ang pasyente, kailangan na daw itong dalhin sa ospital para masuri.
Para naman hindi mahawa, maghugas ng kamay o mag-alcohol, at magsuot ng mask.
Ayon pa kay Domingo, mas delikado lalo na sa mga senior citizen at mga bata kung masabayan ng bacterial infection ang trangkaso kaya payo niya ay magpa-flu vaccine ang mga ito.
- Latest