No vendor policy, liquor ban ipatutupad sa traslacion; Backpacks, jugs ipagbabawal

Aminado ang Philippine National Police na mahirap itong maipatupad ngunit umapela sila sa publiko na makipagtulungan sa kanila.
File

MANILA, Philippines — Pagbabawalan sa unang pagkakataon ang pagbebenta ng anumang gamit sa isasagawang traslacion bukas ng Itim na Nazareno.

Sa isang panayam sa CNN Philippines, inilinaw ni Senior Superintendent Vicente Danao Jr., junior director ng Manila Police District, na magpapatupad sila ng "no vendor policy" sa ika-9 ng Enero.

"In-announce po ito ng ating city admin last Saturday, and we'll try to implement it," ani Danao.

Aminado ang Philippine National Police na mahirap itong maipatupad ngunit umapela sila sa publiko na makipagtulungan sa kanila.

"Last week, pinakiusapan po natin yung mga vendors and most of them nag-respond naman," dagdag niya.

Gayunpaman, hindi naman daw aarestuhin o sisingilin ng multa ang mga mahuhuling lalabag dito.

"We will caution them na umalis muna for the meantime. Bali, ika-caution namin na huwag muna ngayong araw." 

Listahan ng mga ipinagbabawal, inilabas

Ilan sa mga mahigpit na ipagbabawal bukas ang mga backpack, deadly weapons gaya ng baril, colored cannisters, at water jugs 

Kung hindi maiiwasang magdala ng bag, may payo naman ang PNP.

"Pwede naman po, pero you will be subjected for inspection. Mas maganda kung magdadala po kayo ng bag eh yung madaling makita, o yung transparent," sabi ni Danao.

Imbis na bumili ng tubig, inabisuhan din ng pulisiya ang mga pupunta sa prusisyon na magdala na lang ng sariling tubig sa transparent na bote.

Ipinagbabawal na rin ang pag-inom at pagbebenta ng alak sa Maynila simula noong Lunes.

Mahigit kumulang 7,000 ang itatalagang security personnel bukas sa kahabaan ng 6.15 kilometrong ruta ng traslacion. Ilan dito ay mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at iba pang mga sektor.

Ide-deploy rin ang ilang opisyal ng Coast Guard at Navy sa Pasig River. Dagdag ni Danao, ipatutupad naman nila ang "no sail zone" sa lugar.

Wala pa namang nakikitang banta sa pagdiriwang.

Show comments