MANILA, Philippines — Hindi pa klaro kung kakampihan ng Pilipinas ang Taiwan oras na gumamit ng pwersa militar ang Tsina sa pagsasanib ng dalawang bansa.
Sa press briefing ng Malacañang noong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hahayaan muna niya ang dalawang bansa.
"It's between the two countries. Tayo ang concern natin yung mga OFWs (overseas Filipino workers). Pag medyo may problema doon arising out of that conflict, saka tayo kikilos for the safety of our OFWs," ayon kay Panelo.
Kilalang magkalapit na magkaiban ang Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping, na maaalalang nagbigay ng armas at bilyun-bilyong aid sa Pilipinas noong 2018.
Matatandaang sinabi ni Xi noong nakaraang linggo na gagawin nila ang lahat ng paraan para muling magsama bilang iisang bansa ang Tsina at Taiwan.
"We make no promise to give up the use of military force and reserve the option of taking all necessary means (Hindi kami nangangakong tatalikuran ang paggamit ng pwersa militar at gagawin namin ang lahat ng paraan)," ayon kay Xi.
Susuporta sa Taiwan? 'Depende'
Nang tanungin kung susuportahan ng Pilipinas ang Taiwan laban sa posibleng paglusob ng Beijing, hindi naman ito sinagot nang diretso ng Palasyo.
"Depende. I think I would leave that response to the proper authority, the secretary on foreign affairs," ayon kay Panelo.
Aniya, hindi muna sila manghihimasok sa isyu.
"Hindi ko na sasagutin 'yan kasi kay Secretary Locsin yan. Eh may policy tayo ng ano e [independent foreign policy] palaging consistent with that policy," dagdag ni Panelo.
Sa kasalukuyan, naninindigan ang People's Republic of China na parte ng teritoryo nila ang Taiwan o Republic of China. Sa panig ng Taiwan, parte ng bansa nila ang Tsina o mainland.
Nahati ang bansa matapos ang gera sibil noong 1949 sa pagitan ng gobyernong Koumintang at Communist Party of China. Natalo ang KMT at napilitang lumipat sa Taiwan ang Republic of China.
Pinaghahanda na rin ng People's Liberation Army, ang militar ng mainland China, sa digmaan sa New Year's editorial ng PLA Daily.