Pagpapasa sa 2019 budget pinapapaspasan
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Malacañang na pabilisin ng Kongreso ang pagpapasa ng 2019 national budget dahil nailalagay sa panganib ang pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno.
Hindi raw ito katanggap-tanggap dahil maaapektuhan nito ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
“Nananawagan kami sa Kongreso na ipatupad na ang general budget sa lalong madaling panahon, kung hindi mapapabagal ang paglabas ng pondo para sa umento sa sweldo ng mga sundalo, pulis, guro at mga empleyado,” dagdag ng tagapagsalita sa Ingles.
Maliban dito, maging ang mga proyektong imprastruktura ay mahihirapang maipagpatuloy kung hindi pa ito maipapasa.
Hindi naihabol noong Disyembre ang P3.757 trilyong budget para sa 2019 matapos kwestyunin ng mga mambabatas ang mga diumano'y "insertions" sa expenditure program.
Nauna nang itinanggi ng Department of Budget and Management ang iregularidad sa budget at sinabing gagamitin ang mga dagdag na pondo para pag-ibayuhin ang paggastos sa imprastruktura na siyang magtutulak sa economic growth.
Ayon kay Panelo, isinumite ng ehekutibo ang panukalang budget noong nakaraang state of the nation address, 29 araw mas maaga sa maximum period na hinihingi ng Saligang Batas. Ginawa raw ito para mabigyan ng oras ang Kongreso na mabusisi ito.
"Marapat lang na umiwas sa partisan considerations ang mga miyembro ng Kongreso, makiramdam sa suliranin ng mga mamamayan, at pagtuunan ng pansin ang pagpapasa sa General Appropriation Bill into law para maserbisyuhan ang taumbayan na dapat nilang pinaglilingkuran," ayon sa kanya.
Maganda raw na maipasa na rin ito lalo na't dumaan sa kalamidad ang bansa.
- Latest