MANILA, Philippines — Ni-relieve sa pwesto ang mga intelligence officers na may kinalaman diumano sa pagsingaw ng mga operasyon tungkol sa pagma-manman sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ayon sa hepe ng Philippine National Police (PNP) sa isang press briefing, wala siyang nalalaman tungkol sa "pag-iimbentaryo" sa mga militanteng guro.
"I will check on that. As far as concerned, wala akong pinipirmahan na ganyan. Noong nag-leak 'yan, sinabi ng mga different RDOs kung sinong nag-leak niyan, I've already ordered or all the intelligence officers involved for them to be relieved," ayon kay PNP chief Oscar Albayalde.
Ilan sa mga opisyales na nabanggit ay mula sa Station 3 ng Quezon City Police District at Zambales. Iimbestigahan pa raw nila ang mga naglabas nito.
Nilinaw ni Albayalde na sinibak niya ang mga nabanggit dahil hindi dapat lumalabas sa publiko ang operasyon ng mga intelligence officers.
"If you're an intel officer, hindi dapat ganun nali-leak ang trabaho mo. Kaya nga tinawag na intel officer, if really may utos na ganun," ayon kay Albayalde.
Naiintindihan naman daw ng PNP ang pangamba ng mga miyembro ng ACT dahil sa lumabas na ulat.
"We understand their feelings. Kahit naman sinong tao eh. Kapag nakita na parang pino-profile ka ng isang police," dagdag niya.
Aniya, gumagawa ng hindi kinakailangang pangamba ang paglabas ng ganitong ulat.
Payo niya sa mga opisyal, isikreto ang kanilang trabaho.
"You have to do your job. Kung talagang kailangang discreetly, you have to do it discreetly. Kaya ka nga intelligence officer eh," sabi ni Albayalde, na dati ring naging intelligence officer.
Nilinaw naman ng PNP na hindi ito "profiling" at bahagi lamang ng kanilang intelligence monitoring.
"Ang tanong diyan, eh bakit ka takot if you are a member of ACT?" ayon sa PNP chief.
Palasyo sa kontrobersiya
Itinanggi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na may polisiya ang gobyerno tungkol sa pagmamanman.
"Definitely, yung policy is not to surveil teachers. Mahal ni presidente ang teachers. Pero if you're doing something illegal, or irregular, natural lang na trabaho ng pulis 'yon na i-monitor ka kung anong ginagawa mo," ayon kay Panelo.
Gayunpaman, sinabi ni Panelo na trabaho ng PNP na manmanan ang mga guro kung malalamang may direkta silang kaugnayan sa mga rebeldeng komunista.
"Kung halimbawa may nag-report sa'yo, na itong isang teacher na ito, dalawang teacher na ito, nakitang nakikipag-ugnayan sa mga identified na NPA, o mga pinagdududahan NPA, kung ikaw ang pulis hindi mo imo-monitor ang galaw nila?" dagdag ng tagapagsalita ng pangulo.
Pagkundena
Nauna nang inireklamo ng ACT ang diumano'y pagmamanman sa kanila matapos lapitan ng mga pulis ang mga eskwelahan para kunin ang pangalan ng kanilang mga miyembro.
Aniya, nilalabag ng PNP memorandum ang Magna Carta for Public School Teacher at iba pang mga batas na nagtatanggol sa pag-oorganisa.
Ikinabahala naman ito ng Commission on Human Rights dahil ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang "right to privacy and association."
"Ang mga patagong operasyon gaya nito ay maaaring mauwi sa mga pang-aabuso lalo na't magiging mas madaling itanggi ang mga akusasyon," ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline, sa Inggles.