MANILA, Philippines — Binawi na ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang kanilang party nomination kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Ang Lakas-CMD ay isang major political party, na kaalyado ng administrasyong Duterte.
Ito’y kasunod na rin ng pagtukoy ng pulisya kay Baldo bilang “mastermind” sa pagpaslang kina Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at police escort nitong si SPO2 Orlando Diaz.
Sa kanyang liham sa Comelec Law Department na may petsang Enero 3, sinabi ni Bautista “Butch” Corpin Jr., executive director ng Lakas-CMD, na binabawi na ng partido ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na kanilang ibinigay kay Baldo, na naglalayong tumakbo bilang alkalde sa Daraga sa darating na Mayo.
“Please be informed that Lakas-CMD is revoking the CONA issued to Mr. Baldo. Hence, Mayor Baldo is no longer the official candidate of Lakas-CMD for the position of Mayor of Daraga,” nakasaad sa liham ni Corpin sa Comelec Law Department.
Ang nasabing liham ay ipinadala rin sa Provincial Election Supervisor at Municipal Election Officer ng Albay at Daraga.
Nangako naman ang Lakas-CMD na makikipagtulungan para maging malinis, maayos at mapayapa ang May 13, 2019 elections kahit na inaasahan na magiging mainitan ang laban ng mga kandidato.
Related video: