Usman ‘wag ng ipangalan sa bagyo, Leni puwede – Digong
MANILA, Philippines — Dahil sa laki ng pinsalang idinulot ng bagyong Usman sa Bicol region, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na dapat gamitin ang Usman bilang pangalan ng bagyo.
Sa isinagawang briefing kamakalawa tungkol pinsala ng bagyo sa Camarines Sur, sinabi ng Pangulo na matindi ang mga Usman katulad ni Randy Usman na isang Maranao na itinuturing niyang kapatid.
“Alam mo dapat, yung mga bagyo, huwag ninyong pangalanan na mga Usman. Eh si Randy Usman, Maranao ‘yan eh. That is --- he’s my brother in the Maranao side. Mga Usman-Usman, ang tindi niyan,” sabi ng Pangulo.
Bagaman at hindi tiyak kung nagbibiro, sinabi ng Pangulo na ang dapat ipangalan sa mga bagyo ay Bernadette, Leonora at Leni na pangalan ni Vice Pres. Leni Robredo.
“Mga Bernadette ganun. Leonora.. Mga --- si Leni ganun ba para...”sabi ng Pangulo.
Pero bumawi rin ang Pangulo at sinabing, “No, we should not take her name in vain.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbiro ang Pangulo tungkol kay Robredo.
Sa nasabi ring briefing, ipinaalam ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na umabot sa P801 milyon ang naging epekto sa agrikultura ni Usman kung saan 18,763 metric tons ang napinsalang pananim o production loss.
- Latest