MANILA, Philippines — Bumagal ang inflation rate nitong Disyembre patungong 5.1 porsyento ayon sa panibagong ulat ng Philippine Statistics Authority ngayong umaga.
Mas mababa ito sa naitalang anim na porsyento noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Sinabi ni PSA Undersecretary Lisa Bersales na nakatulong ang pagbaba ng presyo ng pagkain, non-alcoholic beverages, at transportasyon noong nakaraang buwan sa nangyaring "downtrend."
Disyembre rin daw ang may pinakamalaking pagbaba ng mga presyo para sa lahat ng produkto sa buong taon.
Month-on-month, prices of All Items went down by 0.4 percent in December 2018. This is the highest decline of prices for All Items for the past year. @PSAgovph #inflation #PHPCPI
— @PSAgovph (@PSAgovph) January 4, 2019
Bumaba rin ito sa National Capital Region sa 4.8 porsyento (5.6 noong Nobyembre) at mga kalapit na rehiyon sa 5.3 (6.6 noong Nobyembre).
Ito na ang pinakamababang inflation rate na naitala mula Hunyo 2018.
Mas mababa rin ito kaysa sa 5.2 hanggang anim na porsyentong forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Pagsusuma ng taong 2018
Lumobo ang inflation rate sa kabuuang 2018 patungong 5.2 porsyento mula sa 2.9 noong 2017.
Nakakuha ng pinakamataas na tantos ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa buong bansa sa 7.1 porsyento.
Pinakamalaki ang itinalon ng rehiyon ng Bicol na nakakuha ng 6.9 porsyento mula sa 1.3 noong 2017.
Matatandaang nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na ibasura ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law dahil sa pagsipa diumano ng presyo ng mga bilihin dahil dito. Naitala ang 6.7 porsyentong inflation rate noong Seytembre, ang pinakamataas sa nakaraang siyam na taon.
“Nananawagan ng economic relief ang taumbayan. Hindi ito ang kumportableng buhay na ipinangako ni Dutrere. Miserable sila ngayon,” ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes sa wikang Inggles.
Gusto namang ipadeklarang unconstitutional ng Makabayan bloc na "unconstitutional" ang batas.
Sinusukat ng inflation rate ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa isang takdang panahon. Makikita rin dito ang tantos ng pagbaba ng halaga ng pera.