MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa nakatakdang pag-imprenta ng mga gagamiting balota sa May 2019 midterm elections.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na nakatakda sa ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan ang pag-imprenta kahit wala pang nailalabas na opisyal na listahan ng mga kandidato na siyang pagpipilian ng mga botante.
Kaugnay nito, target naman ng Comelec na sa lalong madaling panahon ay maipalabas na ang opisyal na listahan nang sa gayon, hindi magkaroon ng problema sa mga balotang ipapaimprenta.
Maaalalang naantala ang pagpapalabas ng poll body ng official list ng mga kandidato sa 2019 midterm elections dahil sa mga pending petitions ng mga nuisance candidates sa Korte Suprema.
Kasama na rito ang iba pang petisyong naihain laban sa mga tatakbong kandidato.