Tinututukan ng AFP
MANILA, Philippines — Tinututukan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang namonitor nilang banta ng mga teroristang grupo sa Mindanao.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr., na patuloy silang nagsasagawa ng beripikasyon sa ‘terror threat’ at tuluy-tuloy ang pagbabantay sa galaw ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Dawlah Islamiyah terror group at Maute terrorists na pawang mga Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) inspired.
“We are enhancing yung security measures para hindi na maulit yan (Cotabato mall blast),” pahayag ni Madrigal.
Kasunod ito ng travel advisory ng United Kingdom (UK) sa mamamayan nito na pinaiiwas sa pagbiyahe sa Mindanao matapos ang pambobomba sa South Seas mall sa Cotabato City noong bisperas ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ipinaliwanag ni Madrigal na palaging may banta ang mga teroristang grupo na nais sirain ang peace and order.
Inamin naman ng heneral na nalusutan lang ng mga terorista ang security forces kaya nangyari ang pagsabog kung saan doble ang seguridad na kanilang ipinatutupad para hindi na maulit muli ang insidente.
“May mga na-identify tayong areas, dito natin ini-enhance, at katulad nga nyan dyan sa may Cotabato area, of course pini-prevent natin na magkaroon din ng (bombing) sa area ng General Santos City, Sultan Kudarat but nalusutan lang talaga,” ani Madrigal.