MANILA, Philippines — Lumobo na sa 85 katao ang naitalang nasawi sa bagyong Usman at Low Pressure Area (LPA) habang umabot na sa P342 milyon ang iniwang pinsala sa Bicol Region.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Edgar Posadas na karamihan sa mga nasawi ay dahil sa landslide sa Bicol Region habang flashflood sa Eastern Visayas at Oriental Mindoro.
Patuloy pa rin ang search and retrieval operation sa nasa 20 nawawala.
Naitala naman sa 40 ang mga nasugatan sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) (Region IVB), Regions V at VIII.
Samantala nasa 45,348 pamilya o 191,597 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa CALABARZON, MIMAROPA, Region V at VII.
Mahigit 6,000 pamilya o 24,000 katao naman ang pansamantalang kinukupkop sa 170 evacuation centers.
Patuloy ang pamamahagi ng relief assistance sa mga biktima ng kalamidad sa mga naapektuhang lugar.