Biyuda ni Batocabe tinatakot ng mayor
MANILA, Philippines — Binalaan ni Pangulong Duterte ang isang “alkalde” sa lalawigan ng Albay na nang-haharass daw sa biyuda ng napaslang na si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Magugunitang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga gunmen noong nakaraang linggo si Batocabe, na tatakbo sana bilang mayor sa bayan ng Daraga, Albay sa darating na 2019 midterm elections.
Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa Kidapawan, Cotabato, sinabi nito na huwag umanong tatakutin ng naturang punong bayan ang kabiyak ng mambabatas na si Gertie Duran-Batocabe.
Ayon pa sa Presidente, kanya raw sinabihan si Mrs. Batocabe na siya na ang magpatuloy sa balak ng kanyang asawa na tumakbo bilang mayor sa naturang bayan.
“Sabi ko, ‘p—ng—a ka, ‘wag mong takutin ‘yang biyuda kasi sabi ko, sa biyuda, ‘sige ikaw ang tumakbo’,” wika ni Pangulong Duterte.
Una nang nagbigay ng babala ang Punong Ehekutibo sa isang pulitiko sa Albay na kanya raw itong sasampalin at kakaladkarin kapag sila’y nagkita.
Nagdagdag din ng P20-milyon ang Presidente sa pabuyang igagawad sa makapagtuturo sa mga salarin na umaabot na ngayon sa P50 million.
- Latest