MANILA, Philippines — Isa na lamang Low Pressure Area (LPA) ang bagyong Usman matapos humina makaraang mag-landfall sa Borongan, Eastern Samar kahapon ng umaga.
Ayon sa PAGASA, dakong alas-6 ng umaga ng tumama ang bagyo sa Borongan.
Dahil dito, tinanggal na rin ng PAGASA ang Tropical Cyclone Warning Signal sa mga apektadong lugar.
Gayunman, ang LPA ay magdudulot pa rin ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol at Aurora habang mahina hanggang sa malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at kabuuan ng Central Luzon at Visayas.
Ayon sa PAGASA, ang mga pag-ulan ay dulot ng northeast monsoon o hanging amihan na nakakaapekto sa Northern at Central Luzon.
Patuloy namang inaalerto ang mga residente laban sa flashfloods sa mga mabababang lugar at landslides sa mga naninirahan sa mga paanan ng bundok.