MANILA, Philippines — Tatlong araw bago ang pagsalubong sa 2019, nag-inspeksyon kahapon si PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa mga stalls na nagbebenta ng paputok sa Bocaue, Bulacan na tinaguriang firecracker zone sa bansa.
Ayon kay Albayalde, sinumang magbibiyahe ng higit sa 3 kilo ng paputok ay mangangailangan na ng permit mula sa Firearms and Explosives Office (FEO).
Ipinaliwanag nito na delikado ang pagbiyahe ng masyadong maraming paputok dahil maari itong lumikha ng malakas na pagsabog.
Partikular na pinaalalahanan ng PNP Chief ang mga bumibili ng bultu-bultong paputok sa mga stalls nito sa Bocaue.
Muli ring binalaan ang publiko na huwag bumili ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng piccolo, super lolo, atomic triangle, judas belt, bawang, pillbox, bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, lolo thunder, coke in can, atomic bomb, five star, pla pla, giant whistle bomb at kabasi lalo na ang watusi upang maiwasan ang disgrasya.
Alinsunod sa Republic Act No. 7183 o ang batas na nagre-regulate sa manufacture, pagbebenta at distribusyon ng mga bawal na paputok ay may multang P20,000-P30,000 at pagkakabilanggo ng anim na buwan hanggang sa isang taon.
Mahaharap naman ang mga vendor sa pagkansela ng lisensya at business permit at kukumpiskahin din ang kanilang mga paninda.