Kaso pa vs ex-DOH Sec. Garin, 38 pa sa Dengvaxia inihain

MANILA, Philippines — Panibagong reklamo ang inihain sa Department of Justice (DOJ) ng Public Attorney’s Office (PAO) laban kay dating Health Secretary Janette Garin at 38 iba pa.
Ito’y kaugnay sa pagkamatay ng isang 12 anyos na batang babae na nabakunahan din ng Dengvaxia.
Nabatid na sinampahan nina Christopher at Ginalyn, mga magulang ng bata, sina Garin ng kasong Reckless Imprudence Resulting In Homicide at paglabag sa Anti-Torture Act and Consumer Act sa DOJ.
Sa kabuuan, nasa 30 na ang kinakaharap na kaso ni Garin at iba pang sangkot sa kontrobersiyal na dengue immunization program na ipinatupad ng nakalipas na administrasyon kabilang ang mga opisyal ng manufacturer na Sanofi Pasteur at ang distributor na Zuellig Pharma.
Inakusahan din sina Garin na nabigong kunin ang consent ng pamilya at hindi rin ipinaalam sa recipients ang panganib na dulot ng vaccine.
Ang pinakahuling biktima ay tumanggap ng tatlong doses ng vaccine noong Abril 5, 2016, Oktubre 6, 2016 at Hunyo 28, 2017.
Base sa reklamo, ang batang babae ay nagsimulang magkalagnat noong Enero 8, 2018 at lumala ang kaniyang kondisyon nang magsuka at naging comatose.
Sa kanyang death certificate lumabas na ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay pamamaga at pagdurugo ng utak.
- Latest