Seguridad ng NAIA 'kulang-kulang' — US

Dumadaan sa security inspection ang isang lalaki sa Ninoy Aquino International Airport.
The STAR/File photo

MANILA, Philippines — Tinawag na "deficient" ng United States Department of Homeland Security (DHS) ang seguridad ng Ninoy Aquino International Airport para balaan ang mga biyahero. 

“[NAIA] does not maintain and carry out effective security consistent with the security standards established by the International Civil Aviation Organization (ICAO),” ayon sa inilabas na pahayag ng DHS.

Dahil dito, inutusan nila ang mga paliparan na bumabiyahe mula US papuntang Maynila na abisuhan ang kanilang mga pashero tungkol sa kakulangan ng NAIA.

Ibinase ng DHS ang advisory sa mga pagsusuri ng security experts mula sa US Transportation Security Administration (TSA).

Maliban sa pagbibigay ng naturang alert, dapat daw ay kapansin-pansin ito sa lahat ng paliparan sa US na may regular na biyahe patungong Maynila.

Nakikipagtulungan na rin daw ang TSA sa gobyerno ng Pilipinas para mapataas ang kaledad ng NAIA sa international security standards.

Pagpapahusay

“We are collaborating closely with the Philippines Department of Transportation (DOTr) and related agencies, and have every confidence in their leadership and their commitment to improve aviation security,” sabi ni US Ambassador Sung Kim.

Wika ni Kim, inaasahan nilang maaabot ng Pilipinas ang ICAO security standards sa lalong madaling panahon.

Inaprubahan na rin ng US State Department ang $5-milyong tulong para mapabuti ang seguridad ng NAIA, kasama na rito ang mga kinakailangang pagsasanay at kagamitan.

Dagdag ni Kim, nagbigay na ang TSA ng Aviation Security Advisors sa bansa para tumulong sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng corrective measures sa NAIA.

Hindi naman daw dapat kontrahin ang biso ng DHS sabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

"Huwag nating kwestyonin ang US Homeland Security. Huwag na huwag. Para na rin maiwasan ang gulo," dagdag ni Locsin sa Ingles sa Twitter.

Siniguro naman ng DOTr na prayoridad ng mga otoridad ang pagpapatupad ng seguridad sa NAIA. 

Tinanggap naman ng Manila International Airport Authority ang mga rekomendasyon at sinabing para rin ito sa seguridad ng lahat.

Inilinaw naman ni MIAA general manager Ed Monreal na nagawa na ang pito sa 16 na rekomendasyon ng TSA.

"Yung natitirang siyam ay mas kailangan na lang maging consistent. Naobserbahan kasi nila (TSA) na maluwag sa ilang pasahero na dumadaan sa security checkpoint. Minsan mahigpit, minsan maluwag," sabi ni Monreal. 

Show comments