MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinampahan ng pitong kasong kriminal at apat na kasong administratibo ng Police Regional Office (PRO) 7 sina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at ama nitong si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin matapos mambugbog, manutok ng baril at mandura sa isang pulis sa kanilang bayan sa nasabing lalawigan.
Ito’y kahit humingi na ng sorry si Rep. Garin sa insidente matapos itong personal na tumawag kamakalawa ng gabi kay Western Visayas Police Director P/Chief Supt. John Bulalacao.
Ayon kay C/Supt. Bulalacao, ang kaso ay kanilang isinampa bandang alas- 4:30 ng hapon kahapon sa Ombudsman ng Visayas Region.
Una nang inutos ni Pangulong Duterte na kasuhan ang mag-amang Garin dahil sa ginawang pambubugbog kay PO3 Federico Macaya Jr. nitong Miyerkules ng madaling araw sa Guimbal plaza.
Ayon sa Pangulo, kung may pagkukulang man umano ang pulis ay hindi ito sapat na dahilan para gulpihin at saktan ang awtoridad.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinugod daw nina Rep. Garin at Mayor Oscar Garin si PO3 Macaya dahil hindi itinuloy ng pulis na kasuhan ang isang menor de edad na sangkot sa away na napag-alamang anak ng isang konsehal doon dahil tumanggi na rin namang magsampa ng kaso ang batang nakaaway nito.
Nabatid na nagkasakitan ang anak na lalaki ng isang Sanggunian Bayan member na kalaban sa pulitika ng mga Garin at sa anak ng isang OFW na hinampas ng bote ng beer ng una sa ulo kung saan si Macaya ang imbestigador sa kaso.
Si Macaya ay agad na pinadisarmahan ni Rep. Garin sa hepe ng Guimbal Police na si Senior Insp. Antonio Monreal, saka pinosasan, pinagtatadyakan at pinagsasampal ng solon na hindi pa nakuntento ay dalawang beses na dinuraan sa mukha habang si Mayor Garin naman ay tinututukan ito ng baril.
Kabilang sa mga kakaharaping kaso ni Rep. Garin ang assault to persons in authority, physical injuries, alarm and scandal at grave coercion habang grave threat naman laban kay Mayor Garin.
Samantala, desidido naman si Macaya na sampahan ng kaso ang mag-ama.