MANILA, Philippines — Posibleng imbestigahan ng Kamara ang umano’y ginawang pambubugbog ni 1st district Iloilo Rep. Richard Garin sa isang pulis.
Ayon kay House Minority leader Danilo Suarez, kailangan ng valid complaint laban kay Garin bago siya imbestigahan ng Kamara.
Paliwanag ni Suarez, ang reklamo ay maaaring isampa sa Ethics committee ng isang indibidwal o miyembro ng Kamara.
Sa ilalim ng House rules, ang sinumang indibidwal na naagrabyado ng isang kongresista ay maaring maghain ng ethics complaint sa Secretary-General na siyang magre-refer sa Rules Committee.
Sa sandaling matanggap ng Rules Committee ay ikakalendaryo na ito sa plenaryo ng Kamara para sa 1st reading at saka naman ibababa sa House Ethics Committee.