MANILA, Philippines — Ipinakansela na kahapon ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang lisensya ng mga baril ng mag-amang sina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin matapos ang pambubugbog sa isang pulis sa public plaza noong Miyerkules sa Iloilo.
“Effective today, I have ordered the cancellation of all Permits to Carry Firearms outside of Residence (PTCFOR) and License to Own and Possess Firearms (LTOPF) issued by the PNP in favor of Iloilo 1st District Rep. Richard Garin and incumbent Mayor Oscar Garin of Guimbal, Iloilo as an administrative action to their involvement in a criminal case involving the use of firearms,” pahayag ni Albayalde.
Binigyang diin ni Albayalde na may kapangyarihan ang PNP na kanselahin ang permit at lisensya ng mga baril ng mga Garin sa ilalim ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nabatid na si Rep. Garin ay may nakarehistrong 11 baril tatlo rito ay mga paso na ang lisensya habang si Mayor Garin ay may walong baril, lima rito ay napaso na ang mga lisensya.
Samantala, iindorso naman ni Albayalde sa Napolcom en banc ang rekomendasyon ng Western Visayas Police para bawiin na ang deputasyon ni Mayor Garin sa superbisyon at kontrol sa lokal na pulisya ng Guimbal bunga ng insidente.
Tiniyak din ni DILG Sec. Eduardo Año na tatanggalan ito ng kapangyarihan sa lokal na pulisya sa kanilang bayan.