MANILA, Philippines — Nananatili pa ang alert level status ng bulkang Mayon sa Albay matapos maitala ang panibagong volcanic earthquake.
“Alert Level 2 currently prevails over Mayon Volcano. This means that Mayon is at a moderate level of unrest,” ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nasa ilalim ng Alert Level 2 ang Mayon simula pa noong Marso.
Ayon sa Phivolcs ay naobserbahan ang volcanic earthquake sa seismic monitoring network ng Mayon nitong nakaraang 24 oras.
Namataan din daw ng kanilang network ang katamtamang pagbubuga ng "white steam-laden plumes" na gumapang pababa ng bulkan bago tumungo sa timogkanluran at west-southwest.
Dagdag pa ng Phivolcs, makikita ang "fair crater glow" sa ibabaw ng bundok tuwing gabi.
Sa kanilang 8 a.m. bulletin, binalaan nila ang publiko sa biglang mga pagsabog, lava collapses, pyroclastic density currents (PDC), at pagbuga ng abo.
Dahil dito ay maaaring manganib ang mga lugar malapit sa Mayon.
Inirerekomenda ngayon ng Phivolcs na pigilan ang pagpasok sa six kilometer-radius Permanent Danger Zone at precautionary seven kilometer-radius Extended Danger Zone sa south-southwest hanggang east-northwest sector mula Anoling, Camalig hanggang Sta. Misericordia, at Sto. Domingo.
Pinag-iingat ngayon ang mga nakatira malapit sa danger areas mula sa pagguho ng mga bato, PDC, at ashfall.
Pinapayuhan muna ng Phivolcs ang mga civil aviation authority na iwasan ang pagbiyahe sa himpapawid malapit sa bunganga ng bulkan. Aniya, delikado ang pagsaboy ng abo at ballistic fragments mula sa mga biglaang pagsabog at PDC.